Ako ay naghihinagpis… sa aking kulungan. Pakiramdam ko ay mahihirapan akong makawala. Parang nawala ang mahahalagang bagay sa akin. Aking ipinagpalit ang mga bagay na nagpapasaya sa akin sa pansamantalang solusyon… sa tingin ko ay makabubuti. Lagi na lang akong miserable… Bawat araw ay isang mabigat na pasanin na nais ko nang tapusin ngunit di ko alam kung paano. Sana ay sumapit na ang araw na aking matatamo ang hinahangad na kalayaan. Ang kalayaan ng aking puso… kalayaang mag-isip… kalayaang kumilos. Kailan ko kaya muling mararamdaman ang kasiyahang dulot ng pagpapalaganap ng kaalaman… kasiyahang dulot ng palitan ng mga kaalaman. Nasaan na ang ipinangako ng Diyos… ang nakasaad sa aking propesiya… Nais ko nang bitawan ang mabigat na pasanin… Nais ko nang kumawala sa apat na sulok ng aking kulungan.
Nasaan ka?
Narito ako ngayon, naghihintay sa ipinangako ng Diyos. Nagtatanong ung kailan ka darating… Nakita na ba kita? Saan kita matatagpuan? Minsan ay aking tinatanong kung totoo ba ang kapalaran. Bilang Kristiyano,ako ay naniniwala na may plano ang Diyos sa ating buhay. Lahat ng bagay ay kanyang itinakda…kapanganakan…mga magulang..kaibigan..kabiyak at kamatayan. tulad din ng konsepto ng kapalaran.
Kung gayon ay kailangan ko pa ng pasensya. Marahil ay hindi pa ako handa…o hindi ka pa handa.Ngunit ngayon kita kailangan. Ngayong ako ay nalulungkot… malayo sa mga kaibigan… naguguluhan sa buhay. Kailangan ko ng kakampi.. ng magpapalakas ng aking kalooban… isang taong hindi ako iiwan. Isang taong makakaunawa sa akin… magdarasal para sa akin…isang kawentuhan tungkol sa hiwaga ng buhay.
Nasaan ka? Hinahanap mo rin ba ako? Ipinagdarasal mo ba ako? Kailan magtatagpo ang ating landas? Nakasalalay ba ang ating pagtatagpo sa landas na aking tatahakin? Ngayong liku-liko ang daang aking tinatahak… makakatating ba ako sa iyo?
Kaligayahan
Likas sa akin ang pagmamahal sa kalayaan. Nais ko ng malayang buhay… malayang nakakagalaw… malayang mangarap… malayang magpahayag ng emosyon. Marami akong nais gawin.. di ko nais na makulong sa rehas ng limitasyon.
Bakit ganito ang buhay… sadya bang magkaroon ng limitasyon ang aking buhay…limitado ng responsibilidad.. ng mga pagkakataon…
Simple lang naman ang mga bagay na magpapasaya sa akin..ngunit ang kasimplihan nito ay taliwas sa pagiging praktikal… Ang katangian na sa tingin ng iba ang magliligtas sa iyo sa reyalidad ng kahirapan. Ang pupuno sa iyong kumakalam na sikmura.. ang magbibigay sa iyo ng mga materyal na bagay.
Ngunit aking napagtanto na hindi sa salaping madaling maubos matatagpuan ang kaligayahan. Para saan ang salapi kung kapalit nito ay lubhang pagkabugnot..pagkabato at kawalan ng pagmamahal.
Ako’y napapaisip… ito ba talaga ang kahulugan ng buhay? Ang matali sa kalungkutan…pagkabato..at limitasyon… Di ba tayo ay nilikha upang maranasan ang kaligayahan. Kaligayahan na dulot ng pagtuklas sa ating potensyal…pagsasagawa ng mga bagay na nilalaman ng ating puso… at paglasap sa bawat segundo ng buhay…
Gunita
Sa kalaliman ng aking gunita
Iyong imahe ang nakikita
Parang ulan na di tumitila
Puso ko’y lubhang nasalanta
Anong Pait at Tamis
Ang umibig sa iyo sinta