Minsan ay may anghel na dumating
Siya’y nagpagalagala sa kalye ng Tikling
Lamig at abo ng tulay ang kanyang kapiling
Kaawaawang palaboy kung sya ay ituring
Bawat jeep ay kanyang inaakyat
Dala’y mga sobre, pangangailan ay nakasulat
Kanilang mga mata sana ay mamulat
Higit pa sa mga galos ang dalahing sugat
Habang ang sikmura’y patuloy sa pagkalam
Rugby na nasa plastic, kanyang ninanamnam
Sa kanyang pangungulila walang nakakaalam
Pagmamahal ng pamilya, matagal nang inaasam
Hangang sa sumapit isang gabing kay dilim
Tila dininig ng Diyos ang kay tagal na dalangin
Matapos na ang pagdurusa sa mundong makulimlim
Sa isang hagip ng jeep, sya ay pumailalim
Tapos narin ang kanyang paghihirap
Init at gutom na sa kanya pinalasap
sa piling ng Diyos ay maligaya nang ganap
Nagwakas narin buhay niyang kay saklap