Paghihintay

waiting-woman-black-and-white

Tunay na nakakainip ang maghintay
Araw, buwan, taon, tila habang buhay
Mga tanong na walang kasagutan
Isang paghahanap na walang matagpuan

Yaring buhay ay puno ng pananaliksik
Sa aking bukas ako’y nananabik
Kung ang pangako ay may ligayang hatid
Maghihitay kahit luha’y bumabahid

Advertisements

Ako’y isang Ibon

May isang awitin na aking naalala

Nelly Furtado ang nagpasikat ng kanta

Waring isang ibon ang turing sa kanya

Panay ang lipad, ligaw sa tuwi-tuwina

Kanyang tahanan hindi nya mahanap

Pagkat pagtanggap sa kanya mailap

Tanging kalinga ang hinahagilap

Ngunit panghuhusga sa kanya pinapalasap

Ngunit ang ibon ay nakahanap ng tahanan

Sa puso ng Diyos na naghahanap ng puspusan

Kanyang pangungulila ay nagkaroon ng hangganan

Sa piling ni Yahweh na nagmamahal ng lubusan

Sabi nga sa kanta ay wag nang malungkot

Pagka’t ika’y mahal O praise the Lord

Kanyang pagmamahal ay hindi kumukupas

Sa ibong lumilipad, pakpak ay pumapagaspas

download

Buhay Titser

images

Araw gabi ay naghahanda
Lakas ng boses hindi nawawala
Mga estudyante pawang tulala
Nang ang guro’y magsimulang magsalita

Bawat estudyante ay may ngiti sa labi
Pagkat napapasaya ng gurong palangiti
Inspiradong mag-aral, may tanong palagi
Handang sumagot nang walang pag-aatubili

Yaring guro ay lubos na maligaya
Pagkat klase’y masaya sa tuwi-tuwina
Pagod ay napapawi kahit walang pahinga
Ang gurong istrikto ngunit marunong tumawa

Ang aking bersyon ng Desiderata

Ika’y humayo sa pook ng katahimikan
At lasapin ang dulot nitong kapayapaan
Iwaksi ang natitirang kapaitan
Nang puso ay lumaya sa mga alitan

Saloobin ay mahinahong ihayag
Sa kapwa ay makinig, anuman ang pahayag
Maging ang mga simple at mangmang
May kwentong hatid kahit utak na tigang

Sa taong agresibo ikaw ay umiwas
Upang di masaktan sa dilang matalas
Ang iyong sarili ay huwag ikumpara
Sa ibang tao upang di magmukhang aba

Ang iyong kaligayahan, sa sarili hanapin
Sariling larangan iyong palaguin
Gaano man ito kababa sa iyong paningin
Ito’y kayamanan ding maituturing

Sa bawat transaksyon ika’y mag-ingat
Pagkat mga mapaglinlang sa paligid nagkalat
Ngunit huwag hayaan na ikaw ay mabulag
Panatilihin ang katapatan kahit mundo’y pumalag

Maging totoo sa sarili maging sa pag-ibig
Pagkat ang puso ay minsan lang pumintig
Matutuo sa aral ng iyong nakaraan
Pagkat maraming matutunan sa iyong katandaan

Ang iyong diwa ay panatilihing malakas
Pagkat sa kalupitan ng mundo, mahirap tumakas
Masyadong pag-iisip ay iyong iwasan
Pagkat takot ay nagmumula sa oras ng kahinaan

Ituring mo ang sarili na anak ng kalawakan
Higit pa sa mga bituin at puno sa kapatagan
Sa magandang buhay ikaw ay may karapatan
Mundo’y patuloy na iikot sa kabila ng kamatayan

Kaya sa Diyos ikaw ay makipag-isa
Paano mo man siya nararamdaman at nakikita
Mundo mo man ay puno ng pagdurusa
Huwag palampasin tinatago nito ganda

Pagtawid sa Dagat

Aking narinig ang Kanyang tinig
Ako’y niyayaya na tumawid sa tubig
Pusong nangangamba, paa’y nanginginig
Sa hampas ng hangin, ako’y nilalamig

Kaya sa iyong ngalan ako’y tumatawag
Mula sa hampas ng alon magiging panatag
Diwa’y payapa sa higpit ng iyong yakap
Mawawala ang takot sa iyong paglingap

Dulot ay biyaya sa aking pagtawid
Sa karagatang puno ng unos at pasakit
Ang iyong kamay ang sa akin ay magtatawid
Hindi malulunod, kailan man ay di mapapatid

Ako’y dalhin sa mas malalim na karagatan
Pagkat aking nais ay lubos na kalakasan
Puso’y magtitiwala sa iyong kalooban
Sa aking tagapagligtas, pagkapit ay puspusan

Buhayin ang Wika

Mahal kong Inang Bayan

Ako’y tumatangis at nananawagan
Tila ba pagkakaisa ay aming kailangan
Naming mga inalipin ng daantaong pandarayuhan

Aming wika tila ba nalimutan
Dakilang lahi salat sa pagkakakilanlan
Nilamon ng paghanga sa kulturang dayuhan
Parang ninakawan ng dakilang kayamanan

O mahal kong mga kababayan
Ating gisingin pagsinta sa ating bayan
Muling buhayin wikang kinalakihan
Ating itaas at muling parangalan

Pagkat ating wika ay ating kayamanan
Na syang nagbubuklod sa tinatanging bayan
Tulay na nagdurugtong sa puso ninuman
Kumikintal sa isip higit sa wikang dayuhan

Tag-ulan

Habang ang ulan ay patuloy sa pagpatak
Ginaw sa paligid ay tila ba isang lusak
Di makagalaw pagkat takot mabasa
Aking pagligid tila ba nagluluksa

Sabik nang umuwi ang dalagang masipag
Sa kanilang tahanan naghihintay ang papag
Nais nang magpahinga ang matiising dilag
Tila ba ang pagod ay sa kanya bumihag

Katawan man ay sabik mamahinga
Itong ulan ay may tinatagong ganda
Bawat puno sa kanya nahahalina
Kahit ang ilog ay tila ba nagsasaya

Kahit tag-ulan ay may taglay na biyaya
Dilag lang ay mainipin kaya nakakasuya
Ngunit kung pagmamasdan ganda ng paligid
Iyong masusumpungan ginhawa nitong hatid

Anghel sa Lansangan

Minsan ay may anghel na dumating
Siya’y nagpagalagala sa kalye ng Tikling
Lamig at abo ng tulay ang kanyang kapiling
Kaawaawang palaboy kung sya ay ituring

Bawat jeep ay kanyang inaakyat
Dala’y mga sobre, pangangailan ay nakasulat
Kanilang mga mata sana ay mamulat
Higit pa sa mga galos ang dalahing sugat

Habang ang sikmura’y patuloy sa pagkalam
Rugby na nasa plastic, kanyang ninanamnam
Sa kanyang pangungulila walang nakakaalam
Pagmamahal ng pamilya, matagal nang inaasam

Hangang sa sumapit isang gabing kay dilim
Tila dininig ng Diyos ang kay tagal na dalangin
Matapos na ang pagdurusa sa mundong makulimlim
Sa isang hagip ng jeep, sya ay pumailalim

Tapos narin ang kanyang paghihirap
Init at gutom na sa kanya pinalasap
sa piling ng Diyos ay maligaya nang ganap
Nagwakas narin buhay niyang kay saklap

 

Pagbabalik

Salamat at aking napagtagumpayan

Diwang humaharap sa bingit ng kamatayan

Isip na muntik nang kumawala sa katinuan

Pusong dinurog ng masasamang kalooban

Ako’y inyong tinapon na parang basahan

Puno ng sugat at saksak sa katawan

Sa dibdib nakatusok kalawanging punyal

Aking kamatayan inyong pinagdasal

Ngunit kay buti nang Diyos sa tulad kong aba

Na biktima ng krimen at kawalan ng hustisya

Ako’y pinulot, ginamot at binihisan

Binalik ang dignidad na kinuha ni kamatayan

Dalawang taong nagpagaling ng sugat

Natitira na lang ngayon ay ilang pirasong pilat

Sa aking pagbabalik ako’y tiyak na mas malakas

Pagkat di malilimutan sakit na inyong pinadanas

Bubuuin muli mga pangarap kong winasak

Muling magsisikap at aahon sa lusak

Ibang kahulugan ng Langit (Heaven has a different sign by Emily Dickinson)

Tawag man nila ay kalangitan
sa akin ay may ibang kahulugan
Minsan, katumbas ay katanghalian
O isang lugar na pinagsisikatan

May isang mata sa mundo ay pumapansin
Nakatuon sa dalampasigan at mga bulubundukin
Pinakamakapangyarihan at pinakamagaling
Kumpara sa kanya, tayo’y mangmang na maituturing

Yaring bulaklak ay nasinagan ng araw
Mga ibon ay umawit, ulap ay nagsisayaw
Sa saliw ng tagumpay
Nang amang lumikha sa bukang liwayway

At ang araw ay sumapit sa katapusan
Patuloy ang paglubog sa dakong kanluran
Nagsisilbing paalala sa ating papupuntahan
Isang paraiso sa dulo ng madilim na lagusan