Ika’y humayo sa pook ng katahimikan
At lasapin ang dulot nitong kapayapaan
Iwaksi ang natitirang kapaitan
Nang puso ay lumaya sa mga alitan
Saloobin ay mahinahong ihayag
Sa kapwa ay makinig, anuman ang pahayag
Maging ang mga simple at mangmang
May kwentong hatid kahit utak na tigang
Sa taong agresibo ikaw ay umiwas
Upang di masaktan sa dilang matalas
Ang iyong sarili ay huwag ikumpara
Sa ibang tao upang di magmukhang aba
Ang iyong kaligayahan, sa sarili hanapin
Sariling larangan iyong palaguin
Gaano man ito kababa sa iyong paningin
Ito’y kayamanan ding maituturing
Sa bawat transaksyon ika’y mag-ingat
Pagkat mga mapaglinlang sa paligid nagkalat
Ngunit huwag hayaan na ikaw ay mabulag
Panatilihin ang katapatan kahit mundo’y pumalag
Maging totoo sa sarili maging sa pag-ibig
Pagkat ang puso ay minsan lang pumintig
Matutuo sa aral ng iyong nakaraan
Pagkat maraming matutunan sa iyong katandaan
Ang iyong diwa ay panatilihing malakas
Pagkat sa kalupitan ng mundo, mahirap tumakas
Masyadong pag-iisip ay iyong iwasan
Pagkat takot ay nagmumula sa oras ng kahinaan
Ituring mo ang sarili na anak ng kalawakan
Higit pa sa mga bituin at puno sa kapatagan
Sa magandang buhay ikaw ay may karapatan
Mundo’y patuloy na iikot sa kabila ng kamatayan
Kaya sa Diyos ikaw ay makipag-isa
Paano mo man siya nararamdaman at nakikita
Mundo mo man ay puno ng pagdurusa
Huwag palampasin tinatago nito ganda